Vicariate Forane 1

1. Immaculate Conception Parish (Puerto Galera, Oriental Mindoro)

Nagsimula ang kasaysayan ng simbahan ng Mindoro noong 1572 nang dumating ang mga Espanyol kasama ang mga paring Agustino sa Minolo, Puerto Galera bilang daungan ng mga Galleon at ginawang kabisera ng Mindoro noong 1574.  Ang materyal at espiritwal na impluwensiya ng mga espanyol sa Puerto Galera ay nag-iwan ng mga nakikitang tanda hanggang sa ngayon.  Nanahan sa bayan sa mahabang panahon ang mga paring Rekoletos hanggang 1897.

Simula 1987 hanggang 1946 walang palagiang pari na nakatalaga sa parokya.  Wala ring simbahan o kumbento dahil sinira ng Lindol.  Gayunpaman, isang pari mula sa Calapan ang paminsan-minsang dumadalaw dito.

Noong 1947, itinalaga dito ang isang paring misyonero na si Fr. John Steiger, SVD, na namahala para sa pagtatayo na maliit kapilya na sa kalaunan ito naging yari sa kahoy at yero.  Tinulungan siya ng mga kapwa pari dito at noong 1953 dumating si Fr. Juan Scholl, SVD na sinundan naman ni Fr.Erwin Thiel, SVD na nagpaunlad ng parokya, nagtayo ng paaralan, at nagmisyon sa mga mangyan na naging katulong niya rito ang mga paring SVD, natigil ang kanyang paglilingkod dahil sa karamdaman noong 1974 at ang humalili sa kanya ay si Fr. Henry Shenk, SVD.

Nagpatuloy ang simbahan sa patnubay ng mga masisipag na pari at sa pagtutulong-tulong ng mga taong masisipag at bukas palad para sa misyon ng Simbahan na siyang naging dahilan ng kanilang patuloy na pag-unlad hanggang sa ngayon.

Sa kasalukuyan ito ay pinamumunuan ni Rev. Fr. Norman Cusi, katuwang sina Rev. Fr. Jhonny Hernandez at Rev. Fr. Richard Rodriguez.  Binubuo ito sa kasalukuyan ng halos 50 pamayanan.

2. Immaculate Conception Parish ( San Teodoro, Oriental Mindoro)

Ang mga sinaunang kumunidad sa San Teodoro (Ilag) ay nagsimula noong 1900 subalit mula sa pagkasira ng mga moro ang natira na lamang ay ang kuta na itinayo sa loob ng kasalukuyang kapilya ng Lumangban, ang tandang ito ay isang ipinagmamalaking pamana, ay naglalaman ngayon ng grotto.  Subalit ang komunidad na ito nasira noong 1902. Ang Ilag, Subaan at Tacligan ay nasapaok ng grupo ng  US Army  at ito ay naging bahagi ng Pueto Galera, Calapan at Baco.

Agosto 15, 1951, ang San Teodoro bilang bahagi ng Prelatura ng Calapan sa ilalim ng pamamahala ni Rev. Fr. Benito Rixner, itinalagang Kura Kura paroko si Fr. Herman Enninga, SVD, na pansamantang nakitira sa isang bahay at nagmimisa lamang sa isang chapel malapit sa bagong palengke sa ngayon.   Nasimulan ang kumbeto 1953 ni Fr. Adolf Urban, SVD, sumunod ay ang pundasyon ng simbahan noong 1957 at binasbasan ito ni Msgr. William Duschak, SVD, DD noong Pebrero 1959 kasabay ang pagtatalaga sa Patron na Immakulada Conception.  Kasunod nito ay nasimulan din ang pagpapatayo ng Northern Mindoro Academy, na sa kalaunan ay napaunlad ng mga paring sumunod na namahala, na halos lahat ay mga kapatid na SVD.

Taong 1993 pinamahalaan na ang mga parokya ng mga paring sekular na nagpatuloy sa pagpapaunlad ng parokya sa mga espritwal at iba pang pangangailangan ng parokya.  Naipaayos ang simbahan at Kumbento.

Patuloy ang pag-unlad ng simbahan hanggang sa ngayon dahil sa pagtutulong-tulong ng mga paring nadestino at sa pag-agapay ng taong bukas palad at handang maglingkod sa simbahan.

Sa kasalukuyan ay si Rev. Fr. Rene H. Hernandez bilang Kura Paroko ay kaisa ng mga mananampalataya sa patuloy ng pag-unlad ng parokya na binubuo ng 24 na pamayanan.

3. Blessed Trinity Parish (Baco, Oriental Mindoro)

Sinasabing ang Baco ay isa sa pinakamatandang bayan sa Mindoro. Ayon sa isang antropologo at misyonerong si Rev. Antoon Postma, taong 1567, nang unang natatag sa Baco ang kauna-unahang parokya dahil ito ang naging opisyal na kabisera  ng Mindoro. Taong 1575, inilipat sa Tabon-tabon (San Andres) ang sentro ng kanilang paglilingkod. Taong 1679 nalipat ito sa Calapan sa pangunguna ni Padre Diego dela Madre de Dios

Taong 1937, ang buhay pananampalataya ng lalawigan ng Mindoro ay nalipat sa pangangalaga ng mga misyonerong SVD   at noong Disyembre 12, 1956, sa pamamagitan ni Msgr. William Duschack, SVD plinano na ang Parokya ng Baco ay mapahiwalay sa Calapan.  Blessed trinity Parish o  Parokya ng Banal na Santatlo ang itinawag dito at Si Rev.Fr. Tunkel, SVD ng italaga siya bilang kura Paroko. Naranasan niya ang hirap sa pagsisimula dahil wala pang matibay na gusaling simbahan. Sa isang ”tuklong” na yari sa kawayan at pawid lamang ginaganap ang misa.

Taong 1965, itinatag ang Baco Catholic High school (na ngayon ay Baco Catholic School) at naging katulong niya dito ang madre mula sa Order of St. Benedict of the Eucharistic King (OSB) na tumagal lamang ng halos pitong taon. 

Taong 1982, nagretiro si Fr. Victor Tunkel, at ang humalili sa kanya si Fr. Iluminado “Bogs” Gutierrez isang paring secular. Taong 1986-1993, ipinagpatuloy ng mga misyonerong SVD ang sinimulan ng mga naunang pari. Kasama rin sa paglilingkod  ang mga madreng mula sa Missionary Sisters of the Lord’s Table  (MSLT) na itinalaga bilang katulong sa mga gawaing ispiritwal. Mula taong 1994 ang naging kura paroko dito ay sina  Rev. Fr. Edward Fabella, SVD, Rev. Fr. Allan Fallaria, Rev.  Fr. Antenor M. Hernandez, Rev. Fr. Joseph M. Boongaling na sa kanyang panahon isinilang ang San Pedro Calugsod Mission Area.

Taon 2018 hanggang sa kasalukuyan ang Kura paroko ay si Rev. Fr. Raymund Ruga, at katuwang niya ang mga lider layko sa patuloy na pagpapaunlad ng parokya.  Sa ngayon ito ay may tatlumpu’t apat na pamayanan at limang pamayanan ng Mangyan.

4. San Pedro Calungsod Mission Area (Baco, Oriental Mindoro)

Agosto 15, 2012, kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birhen Maria, ginanap ang kauna-unahang Misa bilag pormal na pagpapahayag sa mga tao ng pagbubukas ng Bagong Mission Area. Inihandog sa karangalan ng bagong santo na si San Pedro Calungsod bilang pangalan ng bagong Mission Area.

Mula sa parokya ng Blessed Trinity, Baco, itinalagang unang paring tagapangasiwa si Rev. Fr. Gabayno Oybad. Sa tulong naman ng mga taong bukas palad at buluntaryo, nakapangalap sila ng mga mahahalagang kagamitan para sa pagsisimula. Mayroon ding kusang nagkaloob ng  ni San Pedro Calungsod at naipakilala ito sa mga tao. 

October 2, 2012, ginanap ang ground breaking at pagbabasbas ng lugar para sa pagtatayuan ng pansamantalang simbahan, sa diwa ng tapungan at saknungan naging madali ang pagkagawa ng munting simbahan na yari sa kahoy at pawid. At noong October 21, 2012, matapos ang isinagawang motorcade ng patron isinagawa ang kauna-unahang misa sa bagong simbahan sa pangunguna ng Kura paroko ng Baco na si Rev. Fr Joseph M. Boongaling.

Makalipas ang tatlong taon dahil sa dumaraming bilang ng nagsisimba, nagsimulang nangarap ang mga parokyano ng mas malaki at kontretong simbahan. Dahil sa kasigasigan ng mga tao pinahintulutan ito ng Obispo Warlito I. Cajandig, DD. Kaya noong ika 25 ng Pebrero pagkatapos ng isang Misa ay binasbasan na rin ng obispo ang katatayuan ng bagong Simbahan kasama ang suporta ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ng punong bayan, mga opisyales ng Mission Area, mga lider ng pamayanan at lahat ng parokyano.

Sa diwa ng kapatiran, saknungan at tapungan ay patuloy na hinikayat ng Fr. Gabby ang lahat ng pahalagahan at laging mahalin ang simbahan na naging bunga ng kanilang maalab na pagtanggap at kabukasan ng mga tao.

Sa kasalukuyan, bagaman hindi pa ganap na tapos patuloy itong pinag-yayaman at pinauunlad ng sumunod na tagapangasiwa na si Rev. Fr. Benjie Manalo (2018) na nagpapatuloy at nagpapaunlad ng mga nasimulang programa ng HPM at pagpapaayos ng santuaryo ng simbahan.  Binubuo ito ng 27 pamayanan.

0